2 Magsasaka, Patay sa Pananaksak ng Kainuman!

*Cauayan City, Isabela- *Patay ang dalawang magsasaka matapos pagsasaksakin ng kanilang kainuman ganap na alas 10:00 kagabi sa Brgy. Pasa, City of Ilagan, Isabela.

Kinilala ang mga biktima na sina Rodel Versoza, 23 anyos, may-asawa, at Gerry Timbreza, 34 anyos, walang asawa, parehong magsasaka at kapwa residente ng Brgy. Pasa, City of IIagan, Isabela.

Habang ang suspek ay nakilalang si Resty Mateo, 29 anyos, walang asawa, isang karpentero, residente naman ng Brgy. Pasa sa nasabing Lungsod.


Batay sa imbestigasyon ng PNP Ilagan City, habang nag-iinuman ang mga biktima at suspek ay nagkaroon ang mga ito ng mainit na pagtatalo.

Dahil dito, agad na kumuha ng patalim ang suspek at pinagsasaksak sa iba’t-ibang bahagi ng katawan ang dalawang biktima.

Naisugod pa sa pagamutan ang mga biktima subalit idineklarang dead on arrival (DOA) ng kanilang attending physician.

Inaresto naman ng mga Brgy. Officials ang suspek na ngayon ay nasa pangangalaga ng Ilagan City Police Station para sa kaukulang dokumentasyon at disposisyon.

Facebook Comments