*Cauayan City, Isabela- *Muling nakarekober ang tropa ng 86th Infantry ‘Highlander’ Battalion ng dalawang matataas na kalibre ng baril na pagmamay-ari ng mga kasapi ng New People’s Army (NPA) partikular sa bulubunduking bahagi ng Kasibu, Nueva Vizcaya.
Sa ibinahaging impormasyon ni SSg Benjie Maribbay ng 86th IB, dalawang (2) M16 Rifle ang narekober ng mga sundalo na gamit at iniwan ng mga rebeldeng kasapi ng Platoon Dos ng KLG-Quirino-Nueva Vizcaya (KLG-Q-NV/RSDG) na pinamumunuan ni alyas Yuni.
Magugunita noong taong 2018 ay nagbalik-loob sa gobyerno si alyas Yuni dahil sa ‘di magandang pagmamando ng kanilang lider at dahil sa mga nangyayaring korapsyon sa kanilang kilusan.
Ang pagkakarekober sa dalawang armas ay dahil sa sumbong ng isang sibilyan sa mga sundalong nagsasagawa ng Community Support Program (CSP) sa Lalawigan.
Matatandaan rin na huling nakarekober ang kasundaluhan sa nasabing lugar ng tatlong (3) M16 rifles at mga gamit ng NPA dahil din sa sumbong ng mamamayan.
Pinasalamatan naman ni LTC Ali Alejo, Commanding Officer ng 86th IB ang buong komunidad dahil sa patuloy na suporta sa tropa ng pamahalaan at nagpapakita lamang aniya ito na nagsawa na ang mamamayan sa panlilinlinang at presensya ng mga rebelde.
Nasa kustodiya ngayon ng nasabing yunit ang mga narekober na armas para sa kaukulang dokumentasyon at tamang disposisyon.