Cauayan City, Isabela- Arestado ang isang team leader ng New People’s Army (NPA) kasama ang kanyang live-in partner matapos isilbi ang kanilang mga warrant of arrest kagabi sa Barangay Magsaysay, Diffun, Quirino.
Kinilala ang dalawang naaresto na sina Reynaldo Busania alyas Rey, 36-anyos, team leader ng Northern Front at pinuno ng Communication Regional Department na residente ng Brgy. Magsaysay, Diffun, Quirino at kanyang live-in partner na si Sharon Malubay alyas Kyla, Medical Officer ng Northern Front KR-CV na tubong Barangay Poblacion Norte, Maddela, Quirino.
Sa bisa ng warrant of arrest na inilabas ni Judge Eufren Changale, ng RTC Branch 38 Maddela-Nagtipunan, Quirino ay hinuli ng pinagsanib na pwersa ng PNP Diffun, 86th Infantry Battalion, 502nd Brigade, at CIDG ang dalawa dahil sa kanilang patong-patong na kaso ng multiple frustrated murder, serious illegal detention, adultery, robbery at arson.
Isinilbi rin ang hiwalay na warrant of arrest kay Malubay sa kasong adultery at Harboring criminal na isinampa ng kanyang dating asawa na si Reylie Malubay, 40-anyos na residente rin sa Poblacion Norte, Maddela, Quirino.
Sa eksklusibong panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay Busania, inamin nito na umaakyat din ito sa bundok at sumasama sa rally ng makakaliwang grupo.
Kinukumpirma na ng pulisya kung mayroon din silang mga warrant of arrest sa iba’t-ibang kaso sa ilang bayan at syudad sa Isabela at sa lalawigan ng Nueva Vizcaya.
Pansamantalang nasa kustodiya ng pulisya ang maglive-in partner para sa kaukulang imbestigasyon at disposisyon.