2 Menor De Edad, Huli Matapos Makuhanan ng Baril!

150

*Cauayan City, Isabela-* Hinuli ng mga otoridad ang dalawang menor de edad na binatilyo sa kahabaan ng Roxas St. District 2, Cauayan City, Isabela matapos silang ma-checkpoint at makitaan ng iligal na baril.

Isang 13 anyos at 17 anyos ang nahuli ng mga otoridad na kapwa mag-aaral at residente ng Brgy. Manaoag, Cauayan City, Isabela.


Batay sa imbestigasyon ng PNP Cauayan City, pinatigil ng mga traffic enforcer ang dalawang binatilyo habang binabagtas ang kahabaan ng Roxas St. lulan ng kanilang itim na Yamaha NMAX na motorsiklo na minamaneho ng 17 anyos na binatilyo dahil sa kanilang hindi pagsu-suot ng helmet.

Nang lapitan at hingan ng mga kaukulang dokumento ang dalawang menor de edad ay tumambad sa mga otoridad ang isang kalibre ng 9mm na may 13 bala na nakalagay sa toolbox.

Sa ngayon ay pansamantalang ipinasakamay sa City Social Welfare and Development Office ang dalawang menor de edad at sila’y posibleng maharap sa kasong paglabag sa RA 10591.

Facebook Comments