*Cauayan City, Isabela-* Inaresto ng mga otoridad ang tatlong indibidwal na kinabibilangan ng dalawang kasapi ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program o 4P’s matapos matiklo sa pagsusugal sa Brgy. Alicaocao, Cauayan City, Isabela.
Kinilala ang mga nahuli na sina Zenny Paggao, 42 anyos, Jenny Segovia, 39 anyos, kapwa miyembro ng 4P’s at Marilyn Pineda, 60 anyos na pawang mga residente ng barangay Alicaocao ng nasabing Lungsod.
Sa nakuhang impormasyon ng 98.5 iFM Cauayan, naaktuhan ng mga rumespondeng barangay Tanod sa mismong bahay ni Segovia ang paglalaro ng “Tong-its” ng mga tatlong nadakip.
Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay Ginang Segovia, pampalipas lamang umano ng kanilang oras kaya sila naglaro ng “Tong-its”.
Sa ngayon ay nasa pangangalaga na ng Cauayan City Police Station ang mga suspek na nahaharap sa kasong paglabag sa PD 1602 o Illegal Gambling.