2 na ang patay sa pamilyang minasaker sa San Mateo, Rizal

446
PHOTO FROM SAN MATEO POLICE

Dalawa na ang pumanaw sa tatlong magkakaanak na karumal-dumal na pinatay sa loob ng kanilang tahanan sa Barangay Maly, San Mateo, Rizal.

Ayon kay Police Lt. Col Jaycon Ramos ng San Mateo Police, pasado alas-8 ng gabi nitong Lunes nang bawian ng buhay ang lalaking biktima na kinilalang si Eduardo Masigla, 58 taong gulang.


Umaga noong Hulyo 13 nang pasukin ang bahay nina Masigla, Kristine Arias, at Luningning Mcdonald na pinagpupukpok ng hollow blocks ng mga hindi pa natutukoy na suspek.

Nauna nang idineklarang patay ang 8-anyos na si Arias habang malubha pa rin ang kondisyon ng 84-anyos na si Mcdonald.

Matinding galit ang tinitingnan angulo ngayon ng pulisya dahil may nakasagutan umanong kaanak si Masigla bunsod ng hindi pagbabayad sa kuryente, batay sa salaysay ng naulilang pamilya.

Patuloy pa rin ang paghahanap nila ng karagdagang ebidensiya katulad ng CCTV video at posibleng testigo upang makilala ang mga salarin.

Pansamantalang pinalaya ng mga awtoridad ang siyam na persons of interest subalit masusi silang binabantayan habang gumugulong ang pagsisiyasat.




 

Facebook Comments