2 Nigerian at isang Filipina, naaresto sa Las Piñas City dahil sa online fraud

Nahuli ng mga tauhan ng Philippine National Police Anti-Cyber Crime ang dalawang Nigerian at isang Filipina na sangkot sa online fraud sa kanilang ikinasang operasyon sa Kasoy St., Verdant Acre Subdivision, Las Piñas City.

Sa ulat na nakarating kay PNP Chief General Debold Sinas, ang mga naaresto ay kinilalang sina Evans Amara Okeke, 26-anyos at Chidiebere Junior Ezema, 25-anyos kapwa Nigerian national at Pinay na si Judy Ann Japitana, 23-anyos.

Ayon kay Sinas, isang Ellen Briones 64-anyos, residente ng Brgy. Piñahan, Quezon City ang nagreklamo sa mga suspek.


Sa pag-iimbestiga nagsimulang maging magkaibigan at nagkaroon pa ng relasyon sa pamamagitan ng social media sina Briones at Okeke na nagpakilala sa pangalang Michael Gerald at isa raw engineer.

Sinabi raw ng suspek na si Okeke na sya ay tutungo sa Pilipinas para magtayo ng mall sa may San Fernando, La Union.

Pero nakapagpadala na ng pera na aabot sa halagang 3.23M pesos ang biktimang si Briones bago napag-alamang pinagloloko lamang pala sya ng suspek kaya agad na nagreklamo sa mga awtoridad.

Matapos matukoy ang kinaroroonan ng mga suspek agad na ikinasa ng PNP ang operasyon at nahuli ang mga ito sa kanilang tinutuluyan sa Las Piñas City.

Sa ngayon nakakulong na ang mga suspek sa PNP Anti-Cybercrime Group Custodial Facility, Camp Crame, Quezon City at nahaharap sa mga kasong swindling o estafa at Cybercrime Prevention Act of 2012.

Facebook Comments