*Cauayan City, Isabela*- Patay ang dalawa habang sugatan ang apat na miyembro ng New People’s Army (NPA) na kinabibilangan ng ‘Komiteng Larangang Gerilya Sierra Madre’ matapos ang engkwentro sa hanay ng kasundaluhan ng 84th Infantry (Victorious) Battalion, 7th Infantry (Kaugnay) Division, 69th Infantry (Cougar) Battalion at Nueva Ecija Provincial Police Office bandang 2:30 kahapon sa Bayan ng Rizal, Nueva Ecija.(November. 14, 2019)
Batay sa ipinalabas na impormasyon mula sa tanggapan ni Lt. Colonel Honorato Pascual Jr. ng 84th IB, agad na binigyan ng paunang lunas ng mga kasundaluhan ang mga sugatang miyembro ng rebeldeng grupo at dinala sa pinakamalapit na pagamutan para sa karagdagang gamutan habang ang dalawang napatay sa bakbakan ay ipinasakamay na sa Lokal na Pamahalaan ng Rizal sa Nueva Ecija gayundin ang isa pa nilang kasamahan ay nasa pangangalaga na ng Rizal Municipal Police Station para sa kaukulang kaso na posibleng kaharapin nito.
Narekober naman sa pag iingat ng mga armadong miyembro ng rebeldeng grupo ang ilang matataas na kalibre ng baril gaya ng dalawang (2) M16 rifles, tatlong (3) kalibre 45, isang (1) Granada, labin-limang (15) magazine ng M16, dalawang (2) magazine ng 45 pistols, at iba pang uri ng pinaniniwalaang ginagamit sa komunikasyon at subersibong dokumento.
Kaugnay nito, pinuri naman ni MGen. Lenard T. Agustin, 7ID Commander ang lahat ng magigiting na sundalo sa kanilang hanay matapos ang pagkakahuli sa pitong miyembro ng rebeldeng grupo sa Probinsya ng Nueva Ecija.
*“Sa nakalipas na dalawang linggo, may mga naitala na tayong sumukong NPA sa Nueva Ecija at sa mga kalapit na probinsya. Ibinigay natin lahat ng klase ng tulong maging benepisyo at proteksyon nila upang masiguro nila na may tsansa pa silang magbagong buhay”. *Ani MGen. Agustin, 7ID Commander.
Nagbabala din si MGen. Agustin sa iba pang miyembro ng NPA na tumangging magbalik loob sa gobyerno at mas pinili pa ang makipaglaban ay parang kinokonsidera ng mga ito natitirang araw nila sa mundo.
Tumagal naman ng labinlimang minuto ang nasabing engkwentro sa pagitan ng NPA at kasundaluhan.
*tags: 98.5 iFM Cauayan, 98.5 RMN, *‘Komiteng Larangang Gerilya Sierra Madre, 4th Infantry (Victorious) Battalion, 7th Infantry (Kaugnay) Division, 69th Infantry (Cougar) Battalion, Nueva Ecija Provincial Police Office , MGen. Lenard T. Agustin, 7ID Commander, Lt. Colonel Honorato Pascual Jr. 84th IB, Cauayan City, Luzon