Ininspeksyon ng Pamahalaang Lokal ng Burgos, Pangasinan ang mga gasolinahan sa bayan matapos makatanggap ng mga ulat kaugnay ng umano’y hoarding at overpricing ng mga produktong petrolyo.
Isinagawa ang monitoring at inspection upang matiyak na sumusunod ang mga gasolinahan sa fuel pricing guidelines ng Department of Energy.
Batay sa itinakdang price range mula Marso 10 hanggang Marso 16, ang gasolina ay dapat nasa pagitan ng ₱60.90 hanggang ₱66.40 kada litro, ang diesel ay ₱63.00 hanggang ₱73.05 kada litro, at ang kerosene ay ₱92.17 hanggang ₱108.27 kada litro.
Binigyang-diin ng Monitoring and Inspection Team sa mga may-ari ng gasolinahan na mahigpit na ipinagbabawal ang hoarding, iligal na bentahan ng petrolyo, at overpricing alinsunod sa umiiral na batas.
Nagbigay muna ng paunang babala ang mga awtoridad sa mga establisimyentong lumabag sa regulasyon habang magpapatuloy ang monitoring sa mga susunod na araw upang matiyak ang pagsunod sa itinakdang presyo.
Hinikayat naman ng lokal na pamahalaan ang publiko na ireport ang anumang iregularidad sa bentahan ng petrolyo upang agad itong maaksyunan. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣










