2 Operator ng Iligal na Sugal, Arestado!

251

*San Mariano, Isabela- *Nahaharap ngayon sa kasong paglabag sa PD 1602 o Illegal Gambling ang dalawang operator ng larong ‘Drop Ball’ matapos matiklo ng mga otoridad bandang alas 10:00 kagabi sa Brgy. Zone 2, San Mariano, Isabela.

Kinilala ang dalawang nahuli na sina Quirico Lumauig, 34 anyos, may-asawa at Robin Allam, 27 anyos, binata at kapwa residente ng Brgy. 1, Tumauini, Isabela.

Sa nakuhang impormasyon ng 98.5 iFMCauayan mula sa Isabela Police Provincial Office (IPPO), nakatanggap ng tawag mula sa isang concerned citizen ang himpilan ng PNP San Mariano na mayroon umanong kasalukuyang naglalaro ng ‘drop ball’ sa Brgy. Zone 2 ng nasabing bayan partikular sa harap ng Community Center.

Agad namang nagtungo ang mga kasapi ng pulisya sa lugar hanggang sa maaktuhan ang dalawang operator habang nakatakas naman ang dalawang ‘bettor’.

Agad na inaresto ang dalawang suspek kung saan nakumpiska sa kanilang pag-iingat ang isang drop ball paraphernalia at pera na nagkakalahaga ng mahigit tatlong libong piso (P3,214.00).

Nasa kustodiya na ng pulisya ang dalawang suspek para sa kaukulang dokumentasyon at disposisyon.

Facebook Comments