Cauayan City Isabela- ‘SA IYONG PAGSAKAY, VIRUS DAPAT AY PATAY’. Ito ang layunin ng inilunsad na proyekto ng dalawang opisyal ng barangay Mabini sa Santiago City.
Nagsanib pwersa sa pamamahagi ang dalawang opisyal ng barangay ng 100 piraso ng disinfectant spray sa mga trikers na layong sugpuin ang pagkalat ng virus at mahawaan nito.
Ayon kay Kagawad Joseph Cortez, Chairman ng Health and Social Service, ito ay upang maiiwas sa virus ang mga pasaherong sasakay sa mga pampublikong tricycle.
Dagdag pa ng opisyal, katuwang ang mga volunteers group sa pamamahagi at si Kagawad Ernesto Cabato dahil batid nila ang pangangailangan ng bawat driver sa sitwasyon na kinakaharap laban sa nakamamatay na sakit.
Tatlong TODA Group ang inaasahang mabibigyan ng nasabing disinfectant spray at tuloy-tuloy ang magiging supply ng mga ito sakaling maubos ang laman ng spray.
Sa pamamagitan nito ay malaki ang tiyansa na makaiwas sa virus ang driver at pasahero kung kaya’t inilunsad ang proyekto gayong nakasailalim na sa General Community Quarantine ang Lungsod.