2 PALAPAG NA BAHAY SA STO. TOMAS, ISABELA, NASUNOG NOONG BAGONG TAON

Cauayan City – Nakakalungkot na balita ang sumalubong sa isang pamilya sa bayan ng Sto. Tomas, Isabela matapos na masunog ang kanilang tahanan sa Brgy. Centro noong unang araw ng Enero, 2025.

Sa eksklusibong panayam ng IFM News Team kay SFO3 Felipe O Ante, Officer-in-Charge ng Sto. Tomas, Isabela, alas syete ng umaga noong magsimula ang sunog at noong nangyari ang insidente ay nasa bayan ng Cabagan ang may-ari ng bahay na si Maria Aggabao at ang asawa nito dahil doon umano nila sinalubong ang bagong taon at ang naiwan lang sa bahay ay ang kapatid nito na si Gaudencio Baguno, 67 anyos.

Ayon kay SFO3 Ante, kasalukuyang natutulog si Baguno sa ikalawang palapag ng bahay nang magising ito dahil sa kakaibang tunog, at nang kanya itong tingnan ay dito niya napag-alaman na nagmumula ito sa nasusunog na electric fan.


Sinubukan pang apulahin ni Baguno ang sunog, ngunit dahil gawa sa light materials ang bahaging iyon ng bahay ay mabilis lamang na kumalat ang apoy.

Kaagad namang rumesponde ang BFP Sto. Tomas sa lugar katuwang ang BFP Cabagan at Delfin Albano at ganap na 8:50 ng umaga ng tuluyang ideklarang fire out ang sunog.

Ayon kay SFO3 Ante, tinatayang aabot sa humigit-kumulang P300,000 ang halaga ng natupok ng apoy at sa kabutihang palad ay wala namang nasaktang indibidwal at wala ring nadamay na kabahayan sa nangyaring sunog.

Facebook Comments