2 pang suspek sa ‘Honey Love Scam”, naaresto ng Airport Police Department

Dalawa pang suspek sa ‘Honey Love Scam’ ang naaresto ng Airport Police Department (APD) sa isang entrapment operation.

Kinilala ang mga naarestong suspek na sina Randy Carlos Castro, 35-anyos at Fernando Olalia Nucop, 65-anyos, kapwa residente ng Village Dela Paz Sur, San Fernando City Pampanga.

Ayon kay APD Chief Col. Adrian Tecson, nakipag-ugnayan ang intelligence operatives ng APD na sina Senior Inspector Ricardo Mendoza at Lt. Jesus Ducusin sa Pampanga Police Office kasunod ng sumbong ng senior citizen na si Ma. Lourdes Guingona, 62-anyos, taga-BF Homes, Paranaque, City.


Bunga nito, agad na nagkasa ng entrapment operation ang APD sa pakikipagtulungan ng remittance center na pinadalhan ng perang hinihingi ng mga suspek at matagumpay na naaresto sina Castro at Nucop.

Lumalabas sa imbestigasyon na kinuha ng mga suspek ang pera sa remittance center sa Pampanga, para sa nagngangalang Sophia Pearl C. Guinto kung saan si Guinto ay nakakuha na ng mahigit dalawang milyong piso mula sa mga complainant na biktima ng ‘Honey Love Scam’.

Nasa kustodiya na ng APD ang mga naarestong suspek at sila ay sasampahan ng kasong paglabag sa Art. 315 ng Revised Penal Code o Swindling/ Estafa (Online Scam) in relation to Sec. 6 ng RA 10175.

Unang naaresto ng Airport Police Dept. noong nakaraang linggo ang isang Nigerian national at Filipina live-in partner nito na kapwa sangkot sa ‘Honey Love Scam’.

Facebook Comments