2 panukalang batas na kabilang sa LEDAC priority measures, ipapasa ng Kamara bago ang sine die adjournment ngayong linggo

Dalawang panukalang batas na kabilang sa 42 na priority measures ng Marcos administration ang ipapasa ng Mababang Kapulungan sa ikatlo at huling pagbasa ngayong linggo bago ang sine die adjournment.

Ito ay ang panukalang Bureau of Immigration Modernization Act at Philippine Salt Industry Act na parehong pasado na sa ikalawang pagbasa ng Kamara.

Ayon kay House Speaker Martin Romualdez, layunin ng Bureau of Immigration Modernization Bill na imodernisa at gawing simple o mas madali ang sistema para makahikayat ng mas maraming turista at dayuhang pamumuhunan sa bansa na tiyak higit na magpapasigla sa ating ekonomiya.


Binanggit ni Romualdez na target naman ng Philippine Salt Industry Development Bill na buhayin ang industriya ng asin at matulungan ang libu-libong Pilipino at kanilang pamilya na dito ay nakadepende ang ikinabubuhay.

Sa kasalukuyan ay 31 na sa 42 mga prayoridad na panukalang batas ng Marcos Jr., administration ang natapos at napagtibay ng Mababang Kapulungan.

Nagpasalamat naman si Romualdez sa mga kasamahang mambabatas na nagsisipag at nagtatrabaho ng lubos para maipasa ang mga panukalang magpapa-unlad sa ating ekonomiya at magbibigay ng trabaho at dagdag na kita sa mamamayang Pilipino.

Facebook Comments