Nagpaalala si Senator Sherwin Gatchalian sa mga bangko na hindi kikilala sa National ID sa mga financial transactions.
Ginawa ng senador ang apela sa gitna ng mga ulat na may ilang bangko ang tumatanggi pa ring kilalanin ang National ID bilang “proof of identity” dahil ang card ay walang nakalagay na lagda ng may-ari.
Paalala ni Gatchalian sa mga bangko, ang mga mapapatunayang lumabag sa batas ay may katapat na multa na P500,000.
Aniya, hindi ito ang intensyon ng batas bagkus ang National ID system ay may layuning gawing simple ang mga public at private transactions.
Dagdag pa ni Gatchalian, nakasaad sa Bangko Sentral ng Pilipinas(BSP) memorandum order na nilinaw ng Philippine Statistics Authority (PSA) na ang hindi paglalagay ng ‘handwritten signature’ sa Philippine identification ay sinadya at ito ay katulad sa ibang National IDs sa India, Singapore, Malaysia, Thailand at Vietnam.
Paalala ng senador, ang National ID ay isang opisyal at sapat na patunay ng pagkakakilanlan kaya naman hindi na kailangan ng ibang valid ID kung ang National ID lang ang dala at maipapakita.
Agad na pinasisilip at pinareresolba ni Gatchalian sa BSP ang isyu at pinatitiyak na ang lahat ng financial institutions partikular ang Landbank at Development Bank of the Philippines ay sumusunod sa batas.