2 paslit patay matapos pagsasaksakin, ihagis mula 11th floor ng sarili umanong ina

22-story apartment building sa South Shore Drive, Chicago. PHOTO/WLS7

Dalawang bata ang nasawi nitong Huwebes sa Chicago, US matapos pabayaan ng pinaniniwalaang nanay na malunod ang isang bata sa bathtub at ihagis ang isa pa mula sa 11th floor bago sumunod sa pagtalon.

Pinagsasaksak din umano ng 30-anyos babae ang 70-anyos na lolo ng suspek, na nadatnan ng awtoridad sa apartment sa South Side.

Nakaligtas sa pagtalon ang babae at kritikal ang lagay, habang dinala rin sa ospital ang matandang lalaki upang maoperahan.


Ayon kay Anthony Guglielmi, tagapagsalita ng Chicago police, pinagtatagpi-tagpi pa ng pulisya ang mga pangyayari at kinukumpirma ang relasyon ng babae at ng mga biktima.

Mag aalas-2 ng madaling araw nang rumesponde ang awtoridad sa tawag sa 911 at datnan sa kalsada ang babaeng sugatan at 1-taon gulang na sanggol.

Nang akyatin ang apartment, nadiskubre naman ang duguang matandang lalaki na nagtamo ng mga saksak sa mukha at katawan.

Nakita rin ang wala nang buhay na 2-anyos lalaki sa bathtub na may malalang mga hiwa sa ulo, katawan, at mga paso mula sa kumukulong tubig.

Bago dalhin ang lolo sa ospital, sinabi nitong sinaksak siya ng apo bago ihagis ang sanggol sa bintana at sumunod sa pagtalon.

Idineklarang patay ang dalawang bata sa Comer Children’s Hospital.

Ayon kay Guglielmi, hindi pa malinaw ang motibo sa hinihinalang tangkang murder-suicide ng babae.

Wala rin umanong natanggap na tawag ang mga pulis tungkol sa anumang kaguluhan sa apartment bago ang oras ng kanilang pagresponde.

Facebook Comments