2 patay, 2 pinaghahanap matapos tangayin ng ilog ang sinasakyang tricycle sa Negros Occidental

573
(Larawan mula sa video ni Jenelyn Herrera Paunal)

Patay ang dalawang magkamag-anak habang dalawa ang patuloy pang pinaghahanap ng awtoridad matapos tangayin ng rumaragasang ilog ang sinasakyan nilang tricycle sa Moises Padilla, Negros Occidental.


Ayon sa report ng Local Disaster Risk Reduction Management office, Martes ng hapon nang mangyari ang insidente matapos madala ng agos ang sinasakyan ng isang pamilya na galing daw noon ng birthday party.

Patungo raw sana sa Sitio Kabayasan sa Barangay Montilla ang naturang pamilya galing sa Sitio Hiniwaan sa Barangay Magallon Cadre nang abutan ng malakas na daloy ng tubig.

Tumawid kasi ang dalawang sakay nilang tricycle sa overflow bridge na bahagi ng Binalbagan River.

Nakuhanan ng isa sa mga kaanak ang nangyari kung saan natangay ang isa sa mga tricycle na sakay ng dalawang nasawi na kinilalang sina Jovelyn Banaag, 48, at Edmund Samson, 17.

Naiulat na ang pito sa iba pa nilang kasama ang nakaligtas mula sa trahedya.

Samantala, Miyerkules na ng umaga nang marekober ang bangkay ng mga biktima at dalawa pa ang patuloy na pinaghahanap.




Facebook Comments