*Cauayan City, Isabela-* Dalawang sundalo ang kumpirmadong patay at apat ang sugatan sa panibagong bakbakan sa pagitan ng 54th Infantry Battalion at mga kasapi ng New People’s Army (NPA) pasado alas kwatro kaninang umaga sa Sitio Diarao Brgy. Dicamay 2, Jones, Isabela.
Kinilala ang dalawang sundalong nasawi na sina Sgt. Magno Bagioan ng Abra at si Private First Class Romeo Mayos ng Mt. Province habang ang mga nasugatan ay sina 1st LT Joshua Barrio, Sgt. Arnold Mangawit, Private First Class Gilbert Pablo at si Private First Class Novel Maramag.
Batay sa nakuhang impormasyon ng RMN Cauayan kay Army Capt. Jefferson Somera, ang hepe ng Division Public Affairs Office (DPAO) ng 5th Infantry Division, naganap ang sagupaan matapos magpaputok ng baril ang mga rebelde sa mga sundalo na nagtungo sa nasabing lugar upang tugunan ang mga sumbong ng mga mamamayan na umanoy nangingikil ang mga rebelde sa naturang lugar.
Ayon pa kay Capt. Somera, dadalhin ang bangkay ng dalawang nasawing sundalo sa pamunuan ng 5th ID habang dinala naman sa isang pribadong ospital ang apat na sugatan.
Sa ngayon ay patuloy ang isinasagawang follow-up operation ng kasundaluhan hinggil sa naturang pangyayari.
Matatandaan na nitong Ika-pito lamang ng Agosto ay nagkasagupa ang 95th Infantry Battalion sa mga NPA sa Brgy. San Miguel, Echague, Isabela.