Cauayan City – Binawian ng buhay ang 2 kalalakihan kabilang ang isang menor-de-edad, habang kritikal rin ang lagay ng isa pang binatilyo matapos na masangkot ang mga ito sa salpukan ng pampasaherong bus at tricycle sa National Highway sa Brgy. Lalauanan, Tumauini, Isabela.
Ang dalawang nasawi ay kinilalang si Mark Anthony Pascual, 26 anyos, at si Jaymark Cabigas, 16 anyos, habang kritikal naman ang kalagayan ng isa pang menor-de-edad na kasama ng mga ito na si Bryan James Dacuba.
Sa eksklusibong panayam ng iFM News Team kay Police Major Melchor Aggabao Jr., hepe ng Tumauini PS, binabaybay ng tricycle na minamaneho ni Pascual at ng pampasaherong bus na minamaneho naman ni Bonifacio Cabanilla ang magkasalungat na direksyon, at nang makarating sa pinangyarihan ng insidente partikular na sa palikong bahagi ng daan, aksidenteng nagsalpukan ang dalawang sasakyan.
Dahil sa lakas ng pagkakabangga, nawasak ang tricycle at tumilapon sa kalsada ang mga biktima kaya nagtamo ang mga ito ng malalang pinsala sa iba’t-ibang bahagi ng kanilang katawan na naging sanhi ng pagkasawi ni Pascua at ni Cabigas, habang nauwi sa kritikal na kalagayan ang biktimang si Dacuba.
Samantala, hindi naman nasaktan ang driver ng bus maging ang mga pasahero nito subalit nagtamo ng malalang pinsala sa kaliwang bahagi ang harapan ng bus.
Ayon kay PMAJ Aggabao, kasalukuyang nasa kustodiya ng Tumauini PS ang driver ng bus at nakahanda na rin ang kasong Double Homicide na posibleng isampa laban rito ngunit ayon sa kanya, hinihintay pa nila ang pinal na desisyon ng pamilya ng mga biktima dahil handa umanong makipagkasundo ang mga ito basta’t sasagutin ng driver at ng kumpanya ang gastusin sa burol at pagpapalibing ng mga nasawi.
Napag-alaman rin na kasalukuyan umano ang ginagawang overlaying ng aspalto sa kalsada kaya naman wala pang nailalagay na mga linya rito, at dumagdag pa rito ang madilim na paligid dahil sa kakulangan ng ilaw sa daan.
Samantala, mahigpit namang pinaalalahanan ni PMAJ ang lahat ng mga nagmamaneho ng anumang uri ng sasakyan na palaging maging madisiplina, mag-ingat at responsableng driver upang maiwasan na masangkot sa anumang insidente.