
βCauayan City – Patay ang dalawang katao matapos ang nangyaring aksidente sangkot ang isang motorsiklo at SUV sa kahabaan ng National Road sa Barangay Minanga, San Mariano, Isabela, ika-7 ng Marso taong kasalukuyan.
βKinilala ang driver ng SUV na si alyas “Ruben”, 42-anyos at residente ng Brgy. San Fabian, Echague, Isabela, habang ang motorsiklo naman ay minamaneho ni alyas “Ken” sakay ang backrider na si alyas “Jo”, parehong 18-anyos, estudyante, at residente ng Brgy. Dibuluan, San Mariano, Isabela.
βAyon sa ulat ng PNP San Mariano bandang ala-una ng hapon nang makatanggap sila ng tawag mula sa 911 hinggil sa naganap na aksidente. Agad namang rumesponde ang mga pulis upang magsagawa ng imbestigasyon sa lugar.
βSa initial investigation, binabagtas ng SUV ang northbound lane ng kalsada samantalang paparating naman mula sa kabilang direksyon ang motorsiklo.
βNang makarating sa pinangyarihan ng insidente, pumasok sa linya ng SUV ang motorsiklo na naging dahilan ng banggaan.
βDahil sa lakas ng impact, nagtamo ng matitinding pinsala ang driver ng motorsiklo at ang backrider dahilan upang agad silang isinugod sa San Mariano Community Hospital ng mga rumespondeng tauhan ng MDRRMO upang mabigyan ng lunas, ngunit sa kabila nito ay kapwa rin silang nasawi kalaunan.
βHindi naman nasaktan ang driver ng SUV, ngunit parehong nagtamo ng pinsala ang dalawang sasakyan. Dinala ang mga ito sa San Mariano Police Station habang nagpapatuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad sa insidente.
βSource: PNP San Mariano










