2 Patay sa Karambola ng 3 Behikulo sa Mismong Araw ng Pasko!

Cauayan City, Isabela- Patay ang dalawang lalaki matapos sumalpok ang lulang motorsiklo sa kasalubong na sasakyan sa provincial road ng Brgy. Ligaya, Aglipay, Quirino.

Kinilala ang nasawi na drayber ng Honda TMX 125 na si Jay Jay Baniqued, 29-anyos, residente ng P3 Bannawag Norte, Santiago City at backrider nito na si Leonard Gonzales, 31-anyos, residente naman ng Old Ligaya, Aglipay, Quirino.

Dakong 5:50 ng hapon kahapon, habang binabagtas ng mga biktima ang lansangan ay nag-over take ang mga ito sa sinusundang Rusi 150 na minamaneho ni Jay-R Peralta, 28-anyos kasama ang angkas na live-in partner na si Analyn Santiago, 34-anyos at anak nilang si Jay-R Peralta Jr., 10 buwan na pawang mga residente ng P-2, Old Ligaya ng bayan ng Aglipay.


Sa pag-overtake ng drayber ng Honda TMX 125 ay hindi nito nakontrol ang manibela kaya’t sumalpok ito sa kasalubong na Toyota Innova na minamaneho ni Arnel Leo Sartagoda, 33-anyos, residente ng Andres Bonifacio, Diffun, Quirino.

Sa tindi ng pagsalpok ng mga biktima ay tumilapon ang mga ito at bumangga rin sa Rusi 150 na sakay ng mag-live in partner.

Agad na binawian ng buhay ang dalawang lulan ng TMX 125 habang nagpapagaling naman sa pagamutan ang mag live-in partner.

Ang tatlong behikulo ay pansamantalang nasa kustodiya ng pulisya para sa karagdagang imbestigasyon at tamang disposisyon.

Facebook Comments