2 piloto ng PAF, patay sa bumagsak na aircraft sa Pilar, Bataan

Patay ang dalawang piloto ng Philippine Air Force (PAF) matapos na bumagsak ang sinasakyan nilang aircraft sa Pilar, Bataan kaninang alas-10:40 ng umaga.

Kinilala ang mga biktima na sina Captain Jhon Paulo Aviso at Captain Ian Gerru Pasinos.

Ayon kay Bataan PNP Provincial Director Police Col. Romell Velasco, lulan sila ng Marchetti SF260 na may tail number 29-01.


Kitang-kita umano ng mga residente sa lugar ang mabilis na pagbulusok ng aircraft sa kabukiran ng Sitio Tabon sa Barangay Del Rosario.

Kaagad namang nagtungo sa crash site ang mga tauhan ng Pilar Municipal Police Station at ang 2nd Police Mobile Force Company kung saan nakita nila ang dalawang piloto na nakalupaypay ang katawan sa cockpit ng eroplano.

Dinala na ang labi ng mga ito sa Martinez Funeral Homes sa Pilar, Bataan.

Habang iniimbestigahan na ng PAF ang posibleng dahilan ng plane crash.

Facebook Comments