Dalawang Pinoy ang kumpirmadong nasawi sa pagguho ng isang tulay sa Yilan County, sa bansang Taiwan.
Ayon sa Manila Economic and Cultural Office (MECO), narekober na ang mga labi ng nawawalang kababayan nitong Miyerkoles ng umaga.
Pahayag pa ng ahensiya, bagamat nag-desisyon silang hindi isapubliko ang pagkakakilanlan ng mga biktima, naipaalam na nila sa mga naulilang pamilya ang sinapit ng mga kaanak nito.
Matatandaang bumigay ang Nanfangao Bridge nitong Martes ng umaga, at nabagsakan ang tatlong fishing vessel na sakay ang ilang kababayan.
(BASAHIN: Tulay sa Taiwan gumuho, 5 sugatan, 3 nawawala pa)
“Positive ID on two fatalities. Pinoy. Isa na lang unaccounted for,” saad ni Gerry De Belen, administration director ng MECO.
Samantala, ang apat sa limang OFW na nakaligtas aksidente ay nakalabas na ng pagamutan at ang isa naman ay nagpapagaling pa.
Kabilang din sa mga nasaktan sa pagguho ang tatlong mangingisdang Indonesian.