Kumpirmadong may dalawang marinong Pinoy na nasawi sa nangyaring pag-atake sa isang club sa Coatzacoalcos, Veracruz, Mexico, ayon sa Department of Foreign Affairs (DFA) nitong Biyernes.
“The DFA extends its condolences to the families of the Filipino seafarers, and the Embassy stands ready to provide further assistance if needed,” pahayag ng kagawaran.
Kuwento ng mga nakaligtas, pinagbabaril ng mga kawatan ang mga sibilyang nagsasaya sa loob at hinarangan ang bawat exit area ng Caballo Blanco bar noong Martes ng gabi, oras sa Mexico.
Hindi umano napansin ng mga tao na may gulong nagaganap dahil sa lakas ng tugtog.
Batay pa din sa paunang imbestigasyon ng pulisya, nasunog ang buong bar sanhi ng molotov cocktail na binato ng mga suspek.
Dagdag pa ng awtoridad, maraming biktima ang namatay dahil sa matinding usok.
Pagtitiyak ni Pangulong Lopez Obrador ng Mexico, tuloy-tuloy pa rin ang pagsisiyasat at paghahanap sa mga kriminal upang pagbayarin sa karumal-dumal na krimen.