2 presong tumakas sa Italy, nangakong babalik din matapos ang 15 araw

459
Unsplash

Dalawang preso sa Rome, Italy ang tumakas sa kulungan at nag-iwan ng sulat na nagsasabing may kailangan silang asikasuhin ngunit babalik din kaagad.

Nakalabas sa Rebibbia prison ang magpinsan na sina Davad Zukanovic, 40, at Lil Ahmetovic, 46, matapos akyatin ang pader gamit ang hose noong Hunyo 2, ayon sa ulat ng La Repubblica Daily noong Martes.


Paliwanag ng dalawa sa iniwang sulat, kailangan nilang umalis upang protektahan ang kanilang mga anak mula sa problemang pinasok nila.

Dagdag nila, sila lang ang maaaring mag-asikaso ng bagay na hindi na nila idinetalye pa, dahil nasa kulungan din ang kanilang mga misis.

Sa dulo ng sulat, nangako si Zukanovic at Ahmetovic na babalik din matapos maayos ang problema sa loob ng 15 araw.

Hanggang 2029 ang sintensya sa magpinsan na nakulong sa kasong may kinalaman sa panloloko at pagtanggap ng mga nakaw na gamit.




Facebook Comments