2 pulis na sangkot sa pagpatay at panggagahasa sa Ilocos Sur, pinasisibak na sa serbisyo ni PNP Chief Archie Gamboa

Inirekomenda na ni Philippine National Police Chief Police General Archie Gamboa na masibak sa serbisyo ang dalawang pulis na sangkot sa pagpatay sa 15 taong gulang na babae at panggagahasa sa 18 taong gulang na dalaga sa Ilocos Sur.

Ayon kay Gamboa, inatasan niya na si PNP-Internal Affairs Service Inspector General Alfegar Triambulo na maglaan lamang 15 araw para maglabas ng resolusyon.

May limang araw naman ang dalawang pulis para tumugon sa kanilang kaso.


Ang mga pulis na ito ay sina Police Staff Sergeant (PSSg) Randy Ramos na nahaharap sa kasong panggagahasa at pagpatay at PSSg Marawi Torda na kinasuhan din ng pagpatay at tangkang panghahalay.

Una nang tinawag ni Gamboa na mga ‘animal, walang puso at walang kwentang mga pulis’ ang dalawa.

Sa ngayon, nasa restrictive custody sila ng Ilocos Sur Police Provincial Office.

Base sa imbestigasyon, kasama sa grupo ng mga kabataan sa isang party ang 15 taong gulang na biktima at pinsan nitong 18-taong dalaga nang sitahin ng mga pulis dahil sa paglabag sa curfew at social distancing.

Nagawa pa nilang magreklamo ngunit ang 15-year old na dalagita ay tinambangan umano ng dalawang pulis.

Facebook Comments