2 pulis na sangkot sa pamamaril sa isang pulis sa Maguindanao, positibo sa paraffin test

Kinumpirma ni Philippine National Police (PNP) Chief Gen. Rommel Francisco Marbil na nagpositibo ang 2 pulis sa paraffin test na sangkot sa pagpatay kay PCpt. Roland Moralde sa Parang, Maguindanao del Norte nitong May 2.

Una nang sinibak sa pwesto ang apat na pulis na kasamang naka-duty nang mabaril si Moralde.

Ang 2 pulis ay pawang may ranggo na Master Sergeant at natukoy na kaanak ng nabaril at napatay na suspek na kinilalang si Mohiden Ramalan Untal.


Sumuko na sa pulisya ang 2 at ipaghaharap ng kasong kriminal at administratibo.

Matatandaang nauwi sa putukan ang simpleng paninita ni Moralde kay Untal na napatay rin sa shooting incident dahil sa pagdadala ng baril sa palengke ng Parang.

Kasunod nito hinabol at pinagbabaril ang biktima ng mga lalaki na napag-alaman na kaanak pala ng sinita nitong suspek.

Samantala, personal na nakiramay si Marbil at bumisita sa burol ni Moralde kung saan ginawaran ito ng posthumous promotion sa pagiging Police Major at binigyan ng medalya ng katapangan at kadakilaan.

Facebook Comments