Bunsod daw ng matinding pagkainip, umalis nang walang permiso ang dalawang persons under monitoring (PUM) sa isang quarantine facility sa Santo Tomas, Davao del Norte noong Martes ng gabi. Ang tumulong sa dalawa – mismong mga karelasyon nila.
Batay sa imbestigasyon, naka-quarantine ngayon sa Santo Tomas College of Agriculture Sciences and Technology ang isang repatriated overseas Filipino worker (OFW) at isang residenteng na-stranded noon sa Maynila dahil wala pa raw ang resulta ng swab test para sa COVID-19.
Ayon sa isang saksi, sinundo ng kani-kanilang nobyo ang dalawang babae na nagawang dumaan sa may kanal sa likurang parte ng eskuwelahan.
Kaagad naman silang nahanap ng mga kinauukulan at ibinalik sa naturang pasilidad. Pati ang mga kasintahan ay sasailalim sa quarantine dahil sa pagiging close contact.
Mahaharap ang apat sa kasong paglabag sa RA 11332, o Mandatory Reporting of Notifiable Disease and Health Events of Public Health Concern Act.
Dahil sa insidente ay paiigting ng pamahalaang lokal ng Santo Tomas ang seguridad sa paaralan gaya ng pagdadagdag ng roving personnel at pagkakaroon ng surprise roll call sa mga PUM.