Arestado ang dalawang sales agent ng herbal medicine makaraang mahulihan ng baril at bawal na gamot ang isa sa kanila sa brgy. Osmena, Solano Nueva Vizcaya.
Una rito ay may humingi ng tulong sa Solano PNP matapos manapak ng bata gamit ang baril ng suspek na si Tirso Agustin, 46 anyos, taga Cuyapo Nueva Ecija at nanunuluyan sa mga kamag anak sa bayan ng Solano.
Agad na tumugon ang mga tauhan ng Solano PNP at nadatnan pa umano nila na hawak pa ng suspek ang kanyang baril.
Kinapkapan ng mga pulis si Agustin at nakuha umano sa suspek ang dalawang pakete ng dahon na pinaniniwalaang marijuana.
Ayon kay P03 Michael Quirimit, imbestigador ng Solano PNP, nadamay sa kaso ang kasosyo ni Agustin na si Emercelina Tiu, 42 anyos, kababayan ng suspek sa Nueva Ecija.
Sinikap umanong pigilan ni Tiu ang mga pulis sa pag-aresto kay Agustin na nagwawala pa kung kaya’t inaresto rin ng mga pulis.
Nahaharap sa kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 si Agustin at habang si Tiu ay nahaharap naman sa kasong Obstruction of Justice at Alarm and Scandal.