2 SAP Beneficiaries at 5 iba pa, Huli sa Pagsusugal ng ‘Pusoy’

Cauayan City, Isabela- Arestado ang 7 katao matapos ang iligal na pagsusugal sa Tabuk City, Kalinga kamakalawa.

Kinilala ang mga suspek na sina Ireneo Regaton, 42 anyos, biyudo at residente ng Brgy. Appas, Tabuk City, Kalinga.

Hinuli si Regaton matapos maaktuhang naglalaro ng ‘Pusoy’ habang tumakas ang iba pa nitong kasamahan.


Maliban dito, dinakip din ang 6 katao sa iligal na sugal na kinilalang sina Vivian Luminio, 22 anyos; Jacquelyn Acosta, 35 anyos; Myrna Frias, 57 anyos; Sherwin Simeon, 34 anyos; Lea Alvarez, 37 anyos at Antonio Luminio, 50 anyos at kapwa mga residente ng Brgy. Bulanao, Tabuk City, Kalinga.

Ayon sa imbestigasyon ng Tabuk City Police Station, naaktuhang nagsusugal ang mga suspek gamit ang baraha na larong ‘Pusoy’ sa mismong bahay ni Ginoong Luminio.

Nabatid na tumanggap ng ayuda mula sa Social Amelioration Program si Ginang Luminio at Ginoong Regaton.

Kinumpiska ng mga awtoridad ang pera na umabot sa mahigit P1,000 at mga baraha.

Sinampahan na ng kasong paglabag sa PD 1602 o “Prescribing Stiffer Penalties on Illegal Gambling”.

Facebook Comments