Makikipagpulong na ang Department of Education (DepEd) sa Commission on Elections (Comelec) kaugnay sa posibilidad ng implementasyon ng dalawang shifts ng mga pampublikong guro na tutulong sa Eleksyon sa 2022.
Kasunod ito ng kagustuhan ng Comelec na palawigin ang oras ng botohan para sa Election 2022 upang maiwasan ang siksikan sa mga lugar na pagdarausan ng botohan sa gitna ng pagkalat ng COVID-19.
Ayon kay Education Undersecretary Alain Pascua, kailangan talagang maipatupad ang dalawang shift para sa mga guro upang hindi mapagod sa araw mismo ng botohan.
Kung pondo naman na gagamitin para sa mga guro, sinabi ni Education Secretary Leonor Briones na suportado na rin ito ng Comelec para idagdag na benepisyo sa mga guro na maglilingkod bilang poll officials.
Sa ngayon, muling sinimulan ng Comelec ang pagsasagawa ng satellite registration sa mga lugar na nasa ilalim ng General Community Quarantine (GCQ), Modified General Community Quarantine (MGCQ) at iba pang bahagi ng bansa na wala nang ipinapatupad na quarantine status.