2 Shoplifters, Timbog sa Pagnanakaw sa Mall!

*Cauayan City, Isabela-* Nabigo sa pagnanakaw ang isang lalaki sa mismong pinagtratrabahuang mall kasama ang kasabwat na menor de edad matapos matiklo ng gwardiya partikular sa SM Supermarket, SM City Cauayan, District 1, Cauayan City, Isabela.

Kinilala ang mga suspek na sina Benjamin Jan Juan, 24 anyos, empleyado ng naturang mall, residente ng District 1, Cauayan City, Isabela at ang 17 anyos na grade 10 student na itinago sa pangalang “Jomar” na residente ng Brgy. Paddad, Alicia, Isabela.

Sa nakalap na impormasyon ng RMN Cauayan, pasado alas kwatro ng hapon, Pebrero 27, 2019 nang mapansin ng nakatalagang gwardiya na si Dexter Usbal ang hawak na box ng suspek na basta na lamang ibinigay sa kasabwat na menor de edad.


Agad na humingi ng tulong si Usbal sa kasamahan din nitong gwardiya na nasa exit area upang suriin ang laman ng desk fan box na hawak ng menor de edad.

Nasuri naman ni Jonathan Tagata ang box na hawak ng menor de edad at napag-alaman na hindi desk fan ang laman kundi 2 GE Led Smart 7W, 6 na GE Led Multi Directional, 2 sound speaker, 1 flat iron, 1 dry iron, 1 induction cooker, 1 22W bulb at 1 Pensonic TV na tinatayang aabot sa halagang mahigit labing apat na libong piso.

Dinala na sa Cauayan City Police Station ang mga narekober na items maging ang dalawang suspek para sa kaukulang dokumentasyon at disposisyon.

Facebook Comments