Pinaghahanap na ngayon ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang 2 street dwellers kung saan ang isa ay nakuhanang nag-ala-spider-man sa likuran ng umaandar na bus habang ang isa naman ay nanira ng side mirror ng isang sasakyan.
Sa kuha na video ng isang motorista, makikitang nakakapit sa likurang bahagi ng isang pampasaherong bus ang isang street dwellers sa bahagi ng EDSA malapit sa Quezon Avenue bago umakyat ng fly over.
Maingat na nagbalanse ang nakasabit na street dwellers para hindi mahulog dahil sa bilis ng takbo ng pampasaherong bus.
Samantala, isang lalaking naka-jacket naman ang lumapit sa nakahintong taxi at sinipa ang side mirror ng sasakyan tsaka umalis ng parang walang nangyari.
Biglang bumaba ang taxi driver at pinulot ang nasirang side mirror.
Ayon kay MMDA Spokesperson Assistant Secretary Celine Pialago, minamadali na nila ang paghahanap sa mga taong lansangan na nanggugulo sa EDSA.
Ayon pa sa MMDA, dinadala sa ospital ang mga nare-rescue at isinasailalim sa Street Dwellers Skilled Program maging sa mga programa ng LGU.
Sa datos ng pamunuan ng MMDA mula Enero hanggang Hunyo 2019, umabot na sa 7, 419 ang na-rescue na mga street dwellers sa mga kalsada sa EDSA maging sa Roxas Boulevard.
Kaugnay nito nagbigay naman ng payo ang MMDA na kung may makikitang bayolenteng palaboy ay mainam na tumawag ng tulong sa mga pulis o mga traffic enforcer.