Cauayan City, Isabela- Maswerteng sugat lang ang tinamo ng tsuper ng motorsiklo matapos ang nangyaring karambola ng tatlong sasakyan kabilang ang military at elf truck bandang 8:45 kaninang umaga sa Naguilian Bridge, Brgy. Palattao, Naguilian, Isabela.
Nakilala ang mga biktima na si PFC. Joel Tamani,28-anyos, may-asawa at residente ng Dammang West, Echague at tsuper ng military truck na may plakang SCF 816; Ryan Moreno, 33-anyos, residente ng Santiago City at drayber ng Nissan Vanett Elf na may plakang AAR 1743; at Dominador Lizardo, 58-anyos, drayber ng motorsiklo, residente ng bayan ng Gamu at retiradong sundalo.
Lumalabas sa imbestigasyon ng Naguilian Police Station, galing sa kampo ng militar sa Echague ang truck na minamaneho ni Tamani patungo sana sa Upi, Gamu ng matanggal ang kaliwang harapan ng gulong ng sasakyan dahilan para mawalan ito ng kontrol sa pagmamaneho.
Dahil dito, bumaligtad ang military truck dahilan para mahagip ang kasalubong na elf truck at motorsiklo.
Bumaligtad ang sasakyang minamaneho ni Moreno hanggang sa naipit sa pagitan ng military at elf truck ang motorsiklo.
Agad namang isinugod sa pagamutan ang tsuper ng motorsiklo matapos magtamo ng sugat sa paa habang minor injury ang tinamo ng tsuper ng elf truck na si Moreno.
Dahil sa insidente, nayupi ang harapang bahagi ng elf truck gayundin ang manibela ng motorsiklo.
Patuloy naman ang ginagawang imbestigasyon ng pulisya habang inaalam din ang halaga ng pinsala sa nasabing aksidente.