2 Sundalo ng 5th I.D., Ginawaran ng Medalya

Camp Melchor F. dela Cruz, Upi, Gamu, Isabela – Pinarangalan kamakailan ng Wounded Personnel Medal ang dalawang sundalo ng 5th Infantry (Star) Division sa ginanap na simpleng seremonya sa Camp Melchor F. dela Cruz Station Hospital.

Pinangunahan ni Brigadier General Perfecto Rimando Jr., 5th I.D. Station Commander at Commander ng Joint Task Force “Tala”, ang nasabing pagpaparangal dakong alas nuebe ng umaga noong Enero 26, 2018.

Kabilang sa mga nakatanggap ng medalya sina SSG Virgilio M. Jacinto ng Alicia, Isabela, at PFC Keaven W. Macaiba ng Tinglayan, Kalinga, na nagpakita umano ng katapangan sa naganap na sagupaan sa pagitan ng tropa ng militar at mga rebeldeng grupo sa Brgy. Baay, Pinukpuk, Kalinga noong Enero 23, ng taong kasalukuyan.


Maliban kay Jacinto at Macaiba, pinuri rin ng opisyal sa naturang pagpaparangal ang kanilang mga kasamahan sa 50th Infantry Battalion, na ayon sa kanya sila ang mga bagong bayani na dapat pamarisan ng iba pa nilang mga kasamahang sundalo.

Pinayuhan din ni BGen. Rimando Jr. ang dalawa at ang mg kasapi ng 5th I.D. na nakasaksi sa okasyon, na huwag makakalimot manalangin at tumawag sa pagpatnubay ng Maykapal upang magampanan ng ligtas at maayos ang kanilang serbisyo at tungkulin sa bayan.

Bukod sa medalya, nakatanggap din ng groceries at halagang limang libong piso ang mga nasugatang sundalo bilang financial assistance mula naman sa Star Fund o Star Trooper Active Relief Fund.

Facebook Comments