Cauayan City, Isabela- Umaabot sa 33 katao ang nahawaan ng dalawang (2) sundalong positibo sa COVID-19 na umuwi sa bayan ng Naguilian, Isabela.
Ito ang kinumpirma ni Mayor Juan Capuchino ng Naguilian sa ginawang panayam ng 98.5 iFM Cauayan sa kanya.
Aniya, nadestino at galing sa Mindanao ang isang babae at lalaking sundalo at umuwi sa kanilang tahanan sa nasabing bayan noong ika-8 ng Hulyo 2021.
Wala umanong kaalam-alam ang kanilang lokalidad sa pag-uwi ng dalawa dahil hindi dumaan ang mga ito sa triage para maisailalim sa antigen test at masuri sa COVID-19.
Malinaw din ani ng alkalde na lumabag sa health protocols ang dalawang indibidwal dahil hindi rin kumuha ang mga ito ng Certificate of acceptance sa LGU noong sila ay dumating sa kanilang bayan.
Nang makauwi sa kanilang bahay ang dalawa, nagkaroon umano ng salo-salo, inuman at pool party na dinaluhan ng ilang katao.
Noong July 17, 2021, nabatid na positibo sa COVID-19 ang dalawang sundalo matapos magpa-swab test sa PRC Isabela dahil kinakailangan umano para sa kanilang pagbabalik sa Mindanao.
Dito na nagsagawa ng masusing contact tracing ang mga health workers na kung saan 33 sa kanilang mga nakasalamuha ang nagpositibo sa naturang virus.
Ayon pa kay Mayor Capuchino, nakakatakot at nakakaalarma aniya ang panibagong naitalang kaso ng COVID-19 sa kanyang nasasakupan mula sa dating zero (0) na active case.
Kaugnay nito, hiniling ng alkalde sa kanyang mga kababayan na tumalima sa mga ipinatutupad na health and safety protocols ng pamahalaan at ng LGU at magkaroon din ng disiplina sa sarili upang maiwasan ang hawaan at lalong pagkalat ng COVID-19.