Nakaranas ng negatibong epekto bagama’t hindi seryoso ang dalawang tauhan ng Philippine National Police (PNP) na tinurukan sa unang araw ng vaccination drive ng PNP sa Camp Crame kahapon.
Ayon kay PNP Deputy Chief for Administration at Administrative Support to COVID-19 Operations Task Force (ASCOTF) Commander PLt. Gen. Guillermo Eleazar, ang isa ay nagkaroon ng “skin rashes” habang ang isa naman ay nakaranas ng pagkahilo.
Ito ay matapos ang isang oras na monitoring sa mga tauhan ng PNP na tumanggap ng bakuna.
Ang monitoring ay bahagi ng limang hakbang na proseso ng pagbabakuna na ipinatupad ng PNP.
Ang proseso ay binubuo ng registration, counselling, medical screening, vaccination proper, at monitoring.
Kahapon ayon kay Eleazar, 125 na PNP personnel lang ang nabakunahan out of 203 nagparehistro matapos na umatras para magpabakuna ang 78.
Una nang nabakunahan si PNP Health Service Director PBgen. Luisito Magnaye at ang kanyang Command group ng Sinovac Vaccine kahapon.
Ayon sa opisyal, mataas ang kanyang kumpiyansa sa bakuna na galing China, na kabilang sa kanyang top 3 choices, na pinagpilian bago pa man malaman na ito ang unang bakunang magiging available para sa mga pulis.