Cauayan City, Isabela- Kinumpiska ng magkatuwang na pwersa ng National Bureau of Investigation (NBI) Isabela at Bureau of Customs ang dalawang (2) truck na naglalaman ng pinaniniwalaang kagamitan sa paggawa ng mga pekeng sigarilyo sa isang warehouse sa Brgy. Minante 2, Cauayan City.
Ayon kay Director Timoteo Rejano, NBI Isabela, matagal na nilang minamanmanan ang nasabing warehouse dahil sa hinihinalang may kontrabando ang nasa loob nito.
Bumungad sa mga otoridad ang mga abandonandong truck na natatakpan ng mga sako-sakong ipa ngunit ng kanila itong tignan ay tumambad ang ilang makina sa paggawa ng sigarilyo.
Ayon pa kay Rejano, posibleng konektado ang taong nasa likod ng pagkadiskubre ng kontrabando sa mga naunang warehouse na sinalakay sa bayan ng naguilian at Alicia.
Paliwanag ng opisyal, nirentahan lang umano ang nasabing warehouse mula sa isang negosyante ng nagngangalang Jackson So at kanyang grupo.
Posible rin aniya na isang paraan ito ng mga suspek na mag-iba ng stratehiya kung paano makakalikom ng pera dahil batid nito na ang ilang Chinese mula mainland china ay dating naging kalakaran ang pagagawa naman ng shabu.
Hindi naman iniaalis ng NBI ang iba pang posibilidad na ang ilang warehouse sa lalawigan ay posibleng nagtatago rin ng mga kontrabando na labag sa batas.
Nakumpiska sa truck ang apat (4) na makina sa paggawa ng sigarilyo, 400 rolyo ng plastic wrapper,Tipping paper, PMPTC tape, 15 white paper rolls, mighty tape at iba pa.
Inihahanda naman ang kasong isasampa laban sa mga suspek na nasa likod ng pagkakadiskubre ng nasabing makina ng paggawa ng pekeng sigarilyo.