Cauayan City, Isabela- Arestado ang dalawang lalaki na wanted sa batas matapos isilbi ang kanilang warrant of arrest sa magkahiwalay na bayan sa Lalawigan ng Isabela.
Unang naaresto ng PNP Cabagan sa bisa ng warrant of arrest si Nelvin Cangas, nasa hustong gulang, may-asawa at residente ng Brgy. Calanigan, Sto. Tomas, Isabela.
Si Cangas ay nahaharap sa kasong paglabag sa RA 7610 o Special Protection of Children Against Child Abuse and Discrimination Act kung saan may inilaang piyansa ang korte para sa kanyang pansamantalang kalayaan na halagang P80,000.00.
Samantala, nahuli naman ng PNP Ramon ganap na alas 11:00 kaninang umaga si William Palomares, 49 anyos, construction worker at residente ng Brgy. Burgos, Ramon, Isabela.
Si Palomares ay nahaharap sa kasong Reckless Imprudence Resulting to Homicide, Serious Physical Injuries and Damage to Property na may kaukulang piyansa na P30,000.00.
Ang dalawang akusado ay dinala na sa bawat himpilan ng pulisya para sa karagdagang dokumentasyon at disposisyon.