Tuesday, September 15, 2026

𝗕𝗔𝗚𝗢𝗡𝗚 𝗦𝗜𝗦𝗧𝗘𝗠𝗔 𝗦𝗔 𝗖𝗔𝗕𝗔𝗚𝗔𝗡-𝗦𝗧𝗔. 𝗠𝗔𝗥𝗜𝗔 𝗕𝗥𝗜𝗗𝗚𝗘, 𝗜𝗡𝗔𝗔𝗦𝗔𝗛𝗔𝗡𝗚 𝗠𝗔𝗚𝗣𝗔𝗣𝗔𝗚𝗔𝗔𝗡 𝗡𝗚 𝗧𝗥𝗔𝗣𝗜𝗞𝗢

CAUAYAN CITY- Nagpatupad na ng panibagong traffic scheme ang Department of Public Works and Highways (DPWH) sa Cabagan–Sta. Maria Bridge upang mapabuti ang daloy ng trapiko.

Sa ilalim ng bagong sistema, may nakalaan nang dalawang dedicated lanes para sa single motorcycle riders na hindi na kailangang sumunod sa umiiral na one-way flow. Dahil dito, inaasahang mababawasan ang pila ng mga sasakyan at ang matagal na paghihintay sa magkabilang dulo ng tulay, lalo na sa oras ng rush hour.

Samantala, nananatiling one-way ang daloy ng trapiko sa arch bridge para sa mga tricycle, pampasaherong sasakyan, at iba pang light vehicles.

Ayon kay Rodito T. Albano, ang hakbang ay tugon sa mga reklamo ng mga rider na nahihirapan sa matagal na paghinto sa stop signs, lalo na sa gitna ng matinding init ng panahon. Binigyang-diin din niya na mahalaga ang kaligtasan at kaginhawaan ng mga motorista, kaya’t sinikap ng pamahalaan na makahanap ng mas maayos na solusyon.

Patuloy namang babantayan ng DPWH at ng lokal na pamahalaan ang implementasyon ng nasabing traffic scheme upang matiyak na ito ay epektibo at ligtas para sa lahat ng gumagamit ng tulay.

Facebook Comments