Cauayan City, Isabela- Arestado ang dalawang wanted sa batas sa magkahiwalay na operasyon ng kapulisan sa Lungsod ng Cauayan.
Unang naaresto pasado alas 5 ng hapon, August 9, 2021 sa kanyang bahay sa Villarta St. Brgy District 1, Cauayan City si Merlinda Guersola, 43 years old, may asawa, dahil sa kanyang kasong Slight Physical Injuries at Other Light threats.
Dinakip si Guersola sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ni hukom Mary Jane Socan-Soriano ng MTCC, Cauayan City kung saan may inilaang piyansa na halagang P2,000 sa bawat kaso ni Guersola para sa kanyang pansamantalang kalayaan.
Samantala, huli rin pasado alas sais kagabi, August 9, 2021 sa barangay San Fermin si Wilmar Catubig, 44 years old, walang asawa, isang laborer at residente rin sa nabanggit na barangay.
Nahaharap sa kasong Robbery with force upon things si Catubig at siya ay pansamantalang makakalaya kung makakapag piyansa ng halagang P18,000.
Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay PSSg Rodrigo Siban, imbestigador ng PNP Cauayan, parehong nasa kustodiya ngayon ng pulisya ang dalawang naaresto.
Sa kasalukuyan, umaabot na sa 22 katao ang nakapiit sa lock-up cell ng PNP Cauayan.
Ayon pa sa imbestigador, ililipat sa BJMP Cauayan ang ilan sa mga nakakulong sa lock up cell na mayroon ng court order upang mamintina ang social distancing ng mga ito bilang pagsunod na rin sa health and safety protocol.