Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay Dr. Alfredo Gumaru Jr., Schools Division Superintendent ng SDO Cauayan, nakapag isyu na aniya ito ng memorandum sa lahat ng mga nasasakupang paaralan sa Lungsod na magdeklara muna ng dalawang linggong academic break sa mga guro at mag-aaral para na rin sa kanilang kaligtasan at kalusugan.
Ayon kay Dr. Gumaru, nagsimula ang kanilang academic break nitong ika-17 ng Enero hanggang 28, 2022.
Sa nasabing petsa, hindi muna bibigyan ng mga modules ang mga mag-aaral at suspendido muna ang lahat ng mga aktibidades sa paaralan.
Mainam rin aniya ito para makapagpahinga ang mga estudyante at guro kung saan sinabi ni Dr. Gumaru na marami sa mga kasamahan ang nagkasakit at nakakaranas ngayon ng sintomas.
Babalik naman ang mga guro sa paaralan sa Enero 31 habang sa Pebrero 7, 2022 naman ang pagpapatuloy ng blended at distance learning ng mga mag-aaral.
Kinakailangan lamang aniya na kumpletuhin ng mga mag-aaral ang kanilang mga na-delay na mga aralin para makahabol sa lessons.
Samantala, tuloy-tuloy pa rin ani Dr. Gumaru ang kanilang ginagawang paghahanda para sa pagsasagawa ng Face-to-face classes sakaling maibaba na ang alert level status ng Lungsod.
Nasa limang (5) paaralan na sa Cauayan City ang unang pinayagan ng DepEd para sa F2F classes kung saan mayroon na rin 10 na karagdagang paaralan sa Lungsod ang kwalipikado at pinayagang magsagawa ng F2F classes at nakapagsimula na rin noong January 10,2022.
Pero, kung mananatili pa rin aniya sa Alert Level 3 ang status ng Cauayan City ay babalik ulit sa blended learning ang mga estudyante at wala munang isasagawang Face to face classes.