’20-20-20′ Rule, dapat sundin ng publiko para maiwasan ang eye strain

Photo Courtesy: Science Mag

Mahalagang sundin ng publiko ang 20-20-20 rule para maiwasan ang eye strain.

Ito ang payo ngayon ng eye doctors ngayong bahagi na ng new normal ang virtual meetings o madalas na paggamit ng mga gadgets kung saan nabababad ang mga mata.

Ayon kay Philippine Academy of Ophthalmology President Dr. Maria Margarita Lat-Luna, ang sobrang mahabang exposure ng mga mata sa gadgets ay posibleng magdulot ng fatigue o dry eyes.


Ang mga sintomas nito kapag mahaba ang pagbabad ng mga mata sa screen ay panunuyo ng mga mata, pangangati, tila naiirita o burning sensation, namumugto ang mga mata, sakit sa ulo at lumalabong paningin.

Para maiwasan ito, pinapayuhan ang publiko na gawin ang 20-20-20 rule: pahingain ang mga mata ng 20 segundo sa kada 20 minuto sa pamamagitan ng pagtingin sa isang bagay na 20 talampakan ang layo.

Layunin nitong maiwasan ang nearsightedness.

Paalala rin ng mga doktor na huwag kusutin ang mga mata kahit gaano pa kakati ito.

Mahalagang tingnan din ang mga sumusunod:

–     Dapat panatilihin ang proper posture

–     I-adjust ang font size ng computer o gadget sa kung saan komportable ang user

–     I-adjust din ang screen brightness

–     Palaging kumurap para maiwasan ang panunuyo ng mga mata

–     Huwag itapat ang fan o air conditioner sa mata

Sa huli, kumonsulta sa eye doctor kahit isang beses sa isang taon.

Facebook Comments