20 barangay sa Cotabato, inaprubahang mapasama sa plebisito para sa BOL

Ilang linggo bago ang nakatakdang unang araw ng plebisito kaugnay ng ratipikasyon ng Bangsamoro Organic Law (BOL), nagpalabas na ng desisyon ang Commission on Elections (Comelec) kaugnay ng ilang petisyon na naglalayong mapasama sa idaraos na plebisito.

Ang unang plebisito ay gagawin sa January 21 at ang ikalawang plebisito ay idaraos naman sa February 9.

Sa paunang batch ng mga desisyong inilabas ng Commission En Banc, 20 sa mga nagpetisyon mula sa Cotabato ay inaprubahan, habang 24 naman ang ibinasura.


Ayon sa Comelec, ang mga naaprubahan ay nakatalima sa itinakdang rekisito ng Republic 11054 o BOL, at nakapagprisinta ng sapat na argumento para sabihin na ang kanilang teritoryo ay katabi lamang o nasa boundary ng mga lokal na gobyernong sasaklawin ng BOL.

Kabilang sa mga inaprubahan ay ang mga Barangay Libungan Torreta, Upper Pangankalan, Datu Mantil at Simsiman sa Bayan ng Pigcawayan.

Aprubado rin ang mga petisyon ng mga Barangay Rajahmuda, Barungis, Gli-Gli, Nalapaan, Panicupan, Nunguan, Manaulanan, Bulol, Bualan at Nabundas sa bayan ng Pikit.

sa bayan naman ng Carmen, inaprubahan ang petisyon mula sa Barangay Langogan, Pebpoloan, Kibayao, Kitulaan at Tupig, gayundin ang Barangay Pagangan sa Aleosan.

Facebook Comments