Caloocan City – Seryoso ang pamunuan ng Caloocan Police sa kanilang kampanya laban sa mga gumagamit ng iligal na droga sa lungsod.
Ang pahayag ay ginawa ni Caloocan Chief of Police Sr. Supt Chito Bersaluna matapos maaresto ang 20 katao kabilang na ang tatlong kababaihan na nagsasagawa ng pot session sa BMBA Compound Barangay 118 at Barangay 120, Caloocan City.
Ayon kay Bersaluna, nagsagawa ng Anti-Criminality Operation o Oplan Galugad ang kanyang mga tauhan sa lugar dahil sa isang impormasyon na natatanggap nila na mayroon umanong nagsasagawa ng pot session sa naturang lugar.
Paliwanag ni Bersaluna, naaktuhan ng kanyang mga tauhan na sumisinghot ng shabu ang 20 katao kayat agad na dinampot nila ang mga ito at dinala sa himpilan ng pulisya upang sampahan ng kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Act of 2002.