Huli ang dalawang drug suspek sa ikinasang buy-bust operation ng Quezon City Police District (QCPD) sa Quirino Highway, Barangay Bagbag, Novaliches, Quezon City.
Sa ulat na nakarating kay PNP Chief General Debold Sinas mula kay NCRPO Regional Director Police Major General Vicente Danao Jr., nakuhaan ng 20 kilo ng high-grade marijuana na nakabalot sa packaging tape na may estimated street value na ₱2.4 million ang dalawang naaresto.
Kinilala ang mga ito na sina Daryl Collera, 24-anyos, tubong Sitio Timoy, Poblacion Bakun, Benguet at Murray Comot, 29-anyos, tubong Buyagan, La Trinidad, Benguet.
Sa report pa ni Danao kay PNP Chief, ang dalawang suspek ay sakay ng itim na Toyota Innova nang maharang at maaresto ng mga tauhan ng QCPD, kamakalawa ng madaling araw.
Batay sa pag-iimbestiga ng mga pulis, natukoy si Collera ay dati nang na-dismissed sa kasong panggahasa sa Buguias, Benguet.
Sa ngayon, nahaharap na ang dalawang sa kasong paglabag sa RA 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.