20 million doses ng Moderna COVID-19 vaccines, makukuha na rin ng bansa

Kinumpirma na ni Vaccine Czar Carlito Galvez Jr., sa pagdinig ng House Committee on Health na makakakuha na ng 20 million doses ng COVID-19 vaccine ang bansa mula sa Moderna ng Estados Unidos.

Ayon kay Galvez, binigyan na umano siya ng “go signal” ni Philippine Ambassador to the United States Jose Manuel “Babe” Romualdez para ianunsyo ang balita.

Aniya, mula sa 20 million doses ay 10 million dito ang nakalaan na para sa pribadong sektor habang ang natitirang 10 milyong doses ay sa gobyerno.


Ang milyong doses na ito mula sa Moderna ay sa ilalim na rin ng tripartite agreement ng kompanya sa private sector.

Mababatid na sa kalagitnaan pa ng taong 2021 ang target delivery ng Moderna COVID-19 vaccine sa bansa.

Isa ang Moderna sa pitong mga kompanyang nasa final stages na ng pakikipagnegosasyon sa gobyerno para sa supply ng COVID-19 vaccines.

Bukod sa Moderna ay lumagda na rin ng term sheets sa iba pang kompanya kung saan nakapag-secure ang bansa ng 30 million doses sa Novavax, 17 million doses naman sa AstraZeneca at 25 million doses naman sa Sinovac.

Facebook Comments