Media Workers Welfare Act, lusot na sa ikatlo at huling pagbasa ng Kamara

94

Pinagtibay na sa Mababang Kapulungan ng Kongreso ang House Bill 8140 o Media Workers Welfare Act.

Sa botong 218 ay lusot na sa ikatlo at huling pagbasa ang panukala na layong bigyang proteksyon, seguridad at maayos na benepisyo ang mga media practitioners ng bansa.


Sakop ng panukala ang pagbibigay ng tamang sahod, security of tenure, hazard at overtime pay, insurance at iba pang benepisyo para sa mga media workers.

Kabilang dito ang pagiging myembro ng Social Security System, Pag-IBIG, at Philippine Health Insurance Corp. sa oras na matanggap sa trabaho.

Ipinakukunsidera na regular employee ang isang media worker matapos ang anim na buwan ng tuloy-tuloy na employment nito.

Ang mga miyembro naman ng media na aatasan na mag-cover sa dangerous at hazardous events o situations ay bibigyan ng karagdagang ₱500 arawang sahod bukod pa sa protective gears o equipment.




Pinabibigyan din ng karagdagang insurance ang mga media workers na ₱200,000 death benefits, ₱200,000 disability benefits, at ₱100,000 medical insurance benefits.

Bubuo naman ng isang Media Tripartite Council na siyang titiyak na nasusunod ang pagbibigay proteksyon sa mga mamamahayag.

Facebook Comments