20% ng mga empleyado ng CAAP, positibo sa COVID-19

Matapos ang Christmas break, lumobo ang mga tinamaan ng COVID-19 sa pwersa ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP).

Sa Laging Handa public press briefing, sinabi ni CAAP Chief of Staff Atty. Danjun Lucas na 250 hanggang 300 mga kawani nila ang infected ngayon ng virus.

Ang magandang balita naman aniya ay halos lahat ng mga ito ay fully vaccinated, ang iba naman ay mayroon ng booster shot at pawang mga asymptomatic at mild cases lamang at ang iba ay nakarekober na.


Isang stratehiya naman ang kanilang ginawa upang hindi maapektuhan ang biyahe ng mga eroplano kung saan pinatutuloy muna nila sa isang pasilidad ang kanilang air traffic controllers upang hindi sila makakuha ng virus sa labas dahil mahalaga ang kanilang papel sa pagkakaroon ng matiwasay na air traffic sa mga paliparan.

Umaapela rin ng pang-unawa si Lucas sa mga biyahero dahil hindi maiiwasan ang pagkakaroon ng delayed o cancelled flights dahil maging ang mga piloto, cabin crew ng mga airline companies ay tinamaan na rin ng COVID-19.

Facebook Comments