20 Paaralan sa Cauayan City, Magsisimula na sa Limited Face-To-Face Classes; Final Assessment, Isasagawa

Cauayan City, Isabela- Magsasagawa ngayong araw ng final assessment ang Schools Division Office (SDO) ng Cauayan City na pangungunahan ni Schools Division Superintendent Dr. Alfredo Gumaru Jr.

Ito ay upang matiyak ang kahandaan ng 20 paaralan na magdaraos ng limited face-to-face classes.

Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay Dr. Gumaru, maganda ang naging tugon ng lokal na pamahalaan, mga opisyal ng barangay maging ang mga magulang sa muling pagbubukas ng limited face-to-face classes bukas, Pebrero 23,2022.

Kabilang sa mga magbubukas ng klase ang tatlong malalaking paaralan sa poblacion area gaya ng North Central School, South Central at Cauayan City National High School.

Ayon pa sa opisyal, prayoridad ng mga paaralang ito ang mga mag-aaral mula kinder hanggang Grade 3 at Senior High School.

Dagdag pa dito, papasok sa umaga na klase ang mga estudyante mula kinder hanggang Grade 3 at pang-hapon naman ang mga Grade 4 hanggang Grade 6 na layong mapanatili ang magandang set-up ng isasagawang klase.

Samantala, hinihimok naman ang mga magulang ng mga batang edad 5-11 na pabakunahan ang mga ito kontra COVID-19 bagama’t hindi naman obligado na bakunado ang mga mag-aaral sa pagpasok sa kanilang klase.

Umaasa naman na magtutuloy-tuloy ang limited face-to-face classes sa kabila ng pagbaba ng mga naitatalang aktibong kaso ng COVID-19.

Facebook Comments